University of the Philippines Centennial
PAMANTASANG
HIRANG: PANGWAKAS NA TULA
Ni Dr.
Bienvenido Lumbera
Bulwagang
kolonyal ang pinagsimulan
Sadyang itinayo bilang pasanayan
Ng manunungkulan sa pamahalaan
Ng Amerikanong sumaklot sa bayan.
Taliwas
sa layon ng mga sumakop,
Ang unibersidad, nagbangon, kumilos,
Natutong lumaya, tumayong bantayog,
Naging institusyong ayaw magpabansot.
Karunungang
handog ng unibersidad
Ginawang tumana ng bayang maunlad,
Binhing kaalama’y pinunla sa utak,
Sa sambayana’y tumubo ang lakas.
Kayong
kabataang salinlahing bago,
Halina’t araling magpakatotoo,
Magtanong, tumutol, suriin ang dayo,
Sarili’y hanapin, kayo’y Filipino.
Abutin
ang sulo ng giting at tapang,
Bayang sinisilim ay inyong tanglawan,
Hawiin ang dilim ng pandarayuhan,
Akayin ang bayan sa kaliwanagan.
Awit
at tulain sa baya’y ihain,
Bako-bakong landas ng baya’y patagin,
Ang araw ng bukas huwag paghintayin,
Sa langit ng ngayo’y dapat nang magningning.
Taong
magdaraa’y may paghamong hatid,
Hihinging ialay ang puso at dibdib,
Hahamunin kayong sarili’y iwaglit
Lumwalhati lamang ang bayang piniit.
Sa pagsulong
ninyo tungo sa pangarap,
Oblation ay naryan, bantayog ng lakas,
Hahamunin laging ihandog ang lahat
Nang kamtin ng bayan ang paglayang ganap.
Sumulong
patungo sa bagong sentenyal,
Simulang isaysay bagong kasaysayan,
Sige,
kabataan, sa giting mo’t tapang,
Itanghal ang bagong pamantasang hirang.
BIENVENIDO LUMBERA
Professor Emeritus at Pambansang Alagad ng Sining
Binasa sa pagtatanghal ng ”Pamantasang Hirang,”
Selebrasyon ng UP Sentenyal,
Hunyo 18, 19, 20, 2008, sa Cultural Center of the Philippines.
|