|
Kulturang Popular ng Korapsyon Bilang Panlipunan
at Pang-Araw-Araw na Mobilidad
Ni
Rolando B. Tolentino
University of the Philippines Film Institute
Malawakan
ang korapsyon sa bansa. Hindi na ito matatatwa. Ayon sa Ibon Media
(2008), anim na malalaking korapsyon sa ilalim ni Gloria Arroyo
ay may multi-bilyong kabawasan sa pondo ng bayan: “The six
scandals, which include the fertilizer fund scam, the Jose Pidal
bank accounts, the Northrail project, the IMPSA power plant project,
the poll automation project and the Macapagal Boulevard project,
have collectively cost the Filipino people some P7.3 billion pesos.”
(1) Ang karumaldumal sa korapsyon ay
ganito: sa isang bansang limitado ang kanyang yaman, ang limitadong
yaman ay napupunta pa sa kamay ng iilan. Ayon pa rin sa Ibon Media,
“For example, it could have been used to help the Department
of Education (DepEd) bridge its resource gaps of classrooms, textbooks
and teachers. According to DepEd figures, its 2008 budget is still
P8.43 billion short in order to bridge its resource gaps for the
year. It could also have been used to increase subsidies for indigent
patients in government hospitals such as the Philippine General
Hospital.” (2)
Hindi
simple ang korapsyon sa bansa. Edemiko ang korapsyon sa pambansang
administrasyon. Hindi susulong ang anumang bagay kung walang korapsyon.
“By one estimate, an average of 20 [percent] to 30 percent
of [the value of] every contract is lost to corruption or inefficiency—about
P30 billion a year.” (3) Napakalawak
nitong butas sa timba ng pambansang administrasyon na “[i]n
early 2000, the World Bank estimated that corruption was costing
the Philippines government $47m a year - or a massive $48 bn over
the 20-year period to 1997.”(4)
Sa isang mas huling pagtatanya, “A parliamentary committee
in the Philippines calculated in 2002 that corruption costs that
government some $1.9 billion annually—twice the size of the
national education budget.” (5)
May
proyektong panatilihin ng korapsyon ang malawakang di-kapantayan
sa bansa, ang balon ng tradisyunal na politika na nakakapagmobilisa
sa pambansang administrasyon sa pamamagitan ng pandudusta sa nakararaming
mamamayan. Hindi makakabili ng boto kung hindi nasa estado ng paghihikahos
ang nakararami. Hindi pipila araw-araw kahit pa sa pinakapangit
na kalidad ng murang bigas, kung kaya nang nakararami ang mas magandang
kalidad. Hindi papasok sa bulok na pampublikong pampaaralan kung
may perang pantustos sa pribadong paaralan.
Sa
isang banda, “[C]orruption is inherent in a liberalized backward
economy and has greatly benefited the Arroyo administration for
the past seven years, while it continues to worsen the incidence
of poverty and deny much-needed social services to millions of Filipinos.”
(6) Integral ang
korapsyon sa pagpapanatili ng namamayaning paksyon ng naghaharing
uri. Walang ibang paghuhuthutan ang bangkaroteng administrasyon
kundi mula sa balon ng higit pang korapsyon. At sa proseso ng paghuthot,
napapanatili kundi man higit pang napapalaki ang hidwaang makauri
sa bansa. Kumbaga, ang korapsyon ang lumilikha ng “condition
of the possible” na makapamayani ang paksyon ng naghaharing
uri. Sa kabilang banda, dahil integral ang “condition of the
possible,” kahit pa dautin ang bansa at presidente nito bilang
pinakamakurakot sa Asya at kasaysayan, ang mga ito ay ampaw na salita
lamang. “Sticks and stones may break bones, words are indeed
harmless,” ika nga.
Kaya
kahit pa piliin ang bansa ng expatriates na sinurvey ng Hong Kong-based
na Political and Economic Risk Consultancy bilang “most corrupt
in Asia,” wala naman talagang pagtutuwid at pagbabalikwas
na naganap matapos nito. (7)
Sa survey ng Pulse Asia noong Disyembre 2007, pinili ng 1,200
na sinurvey si Arroyo bilang “most corrupt” na presidente
sa kasaysayan ng bansa, lampasan pa kina Marcos at Estrada, mga
pangulong napatalsik ng People Power. (8)
Ito ay matapos ng $21 milyong grant ng US Agency for International
Development na makapaglatag ng programang anti-korapsyon noong 2006.
(9)
Ang
korapsyon, kung gayon, ay integral sa pananatili ng burukrata kapitalismo
sa partikular, at imperialismo at pyudalismo sa pangkalahatan. Kung
ang korapsyon ang nagbibigay-substansya sa pambansang administrasyon,
ang akses sa serbisyo publiko ay binabalot ng politikang itinatakda
ng namamayaning paksyon ng naghaharing uri. Ang namamayaning politika
ay nagiging politikal na instrumento sa pagpapanatili ng naghaharing
uri. Ang akses sa politikal na pagkamamamayan, lalo na sa mayoryang
naghihikahos, ay sa pamamagitan ng politikang itinakda ng namamayaning
naghaharing uri. Na napapaisip tuloy ukol sa saklaw ng korapsyon
at ng nosyon ng panlipunang mobilidad: kung ang gate ay hawak ng
namamayaning paksyon ng naghaharing uri, at kung integral ang korapsyon
sa kanilang paghahari, sa punto de bista ng mamamamayan, ang korapsyon
ay natransforma na sa kulturang politikal na ang pagkaunawa at paglalaro
ay integral sa pagkakaroon ng akses sa panlipunang mobilidad.
May
dalawang idinadawit ang korapsyon bilang akses ng mamamayan sa dalawang
uri ng mobilidad: una ay ang panlipunang mobilidad na naglalayong
ng magandang ekonomiyang lagay sa pamilya at mahal sa buhay, at
ikalawa, ang pang-araw-araw na mobilidad na nagtataguyod ng gitnang
uring panuntunan sa ordinaryong buhay. Kung napakalawak at napakalalim
ng korapsyon, wala nang idinedeklara at itinatago na imahinaryo
ng panlipunan at pang-araw-araw na mobilidad na hindi hiwalay sa
korapsyon. Ang kulturang popular ng korapsyon ay ang politikal na
imperatibo para sa ekonomikong kagalingan. Ang tatalakayin ng sanaysay
ay ang kalakarang kultural na integral sa kulturang popular ng korapsyon,
at ang layong magkaroon ng politikal na karapatang magdudulot ng
ekonomikong kagalingan.
Unang
Kaso: Ang wika ng korapsyon
Sa
Corruptionary: natatanging diksyonaryo ng mga salitang korapsyon,
matatagpuan ang mga salita, phrase at expresyong gamit sa pang-araw-araw
na korapsyon. (10) Matatagpuan sa diksyonaryong
ito ang linggwistikang kalakaran kung paano ang pambansang korapsyon
ay nagkaroon ng alingawngaw sa pang-araw-araw. Sa pamamagitan ng
pagsusuri ng linggwistikang kalakaran matutunghayan ang dalawang
bagay. Una, ang normalisasyon ng karanasan sa korapsyon sa dialektikal
na negosasyon ng indibidual sa politikal na kapangyarihan, tulad
ng pulis at korte na gamit ang ekonomikong biyaya ng korapsyon sa
isang banda, at sa ekonomiyang kapangyarihan, tulad ng negosyante
o indibidual na pumapasok sa politikal na engagement sa korapsyon,
paano mapapabilis ang transaksyon o malulusutan ang kaso, halimbawa,
sa kabilang banda. Ikalawa, ang pagtagos ng negosasyon ng malalaking
kaso ng panlipunang mobilidad sa maliliit na kaso ng pang-araw-araw
na mobilidad, o kung paano ang korapsyon ay instrumental sa politikal
na aspirasyong ekonomikong makaangat sa lipunan sa pangmatagalan
at kagyat na panahon.
Nagagawa
ito sa pamamagitan ng pag-angkat ng referensiya ng korapsyon sa
pang-araw-araw na kapaligiran, bagay at karanasan. Halimbawa ay
ang paghalaw sa Katolikong relihiyon at ang transformasyon nito
ng kahulugan tungo sa representasyon ng di-matwid ngunit naging
katanggap-tanggap na karanasan sa korapsyon: apostol, anak ng diyos,
anointed ones, baby ng anak ng diyos, basbas, bendisyon, at grasya.
Sa mga salita at katawagan, may rekognisyon sa hierarkiya ng kapangyarihan--may
anak ng diyos, may baby ng anak ng diyos, at may sangay ng kadiyos-diyosan
ng politikal na kapangyarihan, halimbawa. Ang rekognisyon ay ang
pagkilala ng struktura ng kapangyarihang dapat dulugin para makaangat
ang indibidual, o kung ano ang hindi na dapat tanungin dahil sa
mas nauna’t mas malaking strukturang nakasandal sa pader ng
kapangyarihan. Hindi mabubuwag at matitinag, at kung gayon, pati
na rin ang interconnectivity ng kapangyarihan sa dalawang antas:
sino ang mayroon at wala nito, at ano ang “six-degrees of
separation” ng indibidual sa sentro ng kapangyarihan.
Mayroon
ding misrekognisyon sa kapangyarihan—ang isipin na hindi na
ito matitinag pa. Nagagawa ito dahil sa referensiya sa Katolisismo,
at kung gayon, wala nang pagtitiwalag sa mga metapisikal na isyu.
Ang indexical na referensiya sa Katolisismo ay ang pag-angkat sa
diskurso ng metapisika ng kapangyarihan, kung saan ang kapangyarihan
ay mas nagiging katanggap-tanggap (mas makapangyarihan) kung nasa
labas na ito ng praxis, at pumaloob sa kaibuturan ng kaisipan. Kaya
hindi na mababago dahil pinaniniwalaan na ang metapisika ng materialidad
ng kondisyon at karanasan ng korapsyon. Ang larangan na lamang ay
ang paglaro sa kondisyon at karanasan ng korapsyon, hindi ang pagbabalikwas
ng kalakaran.
Heto
pa ang ilan sa pinaghahalawan ng mga entri sa diksyonaryo:
Mula
sa kalikasan: araw, galamay, ambunan, arbor, green
Mula sa pang-araw-araw na bagay: bahaw, baterya, hamborjer, brown
bag, bukol, butas, calcorlator, gatasan, dummy, envelop, panggasolina,
pampalamig, pampainit, milking, manok, kalburo, pwet ng baso, red
tape, suyod, under the table
Mula sa pang-araw-araw na kilos: bisto, hilot, himas, diskarte,
estimahin, masahe, luto, lusot, lukot, laglag, gapang, shopping
Mula sa krimen: bangag, bantay-salakay, biskleta gang, colorum
Mula sa pelikula: bituing walang ningning, tinimbang ka ngunit kulang
Mula sa syensya: bacteria, buwaya, buwitre, double-dead, virus
Mula sa sports: game-fixing, balato
Mula sa korte: fixcal, falsification of records, blood money, hood
in uniform, retainer
Mula sa pag-aaginaldo: goodwill money, regalo
Mula sa trabaho: 15:30, apprentice, boundary, agent, backer, downpayment,
DTR, commission, Republic Act 1530
Mula sa eleksyon: dagdag-bawas, vote shaving, vote padding
Mula sa cellphone: panload, G-100, G-300, S300
Mula sa edukasyon: grades for sale, prinsipal
Mula sa kababalaghan: ghost employee, ghost meeting, ghost project,
ghost delivery
Mula sa relasyon: prinsipal, backer, ninong, ninang, padrino, kapit-an
Mula sa pagsusugal: tong, balato
Mula
sa estado: bureaucrazy, for official use only
Mula sa proper nouns: Chinatown, Department Store of Justice, Drakula,
Greedy Group Plus Plus, Kamag-anak Inc., Lutong Macoy
Kung
susumahin, ang mga entri ay halaw sa mga aspekto ng politikal at
pang-araw-araw na buhay: politikal dahil may pagkilala sa mga karanasan
sa aparatong pang-estado, tulad ng pulis, eleksyon, edukasyon, at
korte; pang-araw-araw dahil ang bawat aspekto ng ordinaryong buhay
ay may kaulayaw nang pakikipagtunggali sa karanasan sa korapsyon.
Kung gayon, wala nang dumaranas ng ordinaryong buhay na hindi saksi,
kundi man kalahok sa karanasan sa korapsyon. Saklaw ng politikal
at pang-araw-araw ang kultura na nagsasaad ng malawak na sakop ng
karanasan sa korapsyon. Wala nang posibilidad ng kulturang imahinaryo
ng mobilidad na hindi may pagdanas sa korapsyon: espesyal na binyag,
pagkuha ng birth certificate, pagpasok sa publikong eskwelahan,
diswkento sa hotel na pagpro-prom dahil kakilala ng nanay ang HR
(human resource) head, pagkuha ng lisensya, paghalalal, pagpapakasal,
pag-aanak, pagkamatay. Sa madaling salita, saklaw ang indibidual
ng kultura ng korapsyon mula pagsilang hanggang kamatayan. Nagsasalikop
ang personal at politikal na buhay ng indibidual at mamamayan.
At
hindi rin kakatwa sa kulturang popular ng korapsyon, malaki ang
premium sa perang panuhol bilang langis na mabibigay-enerhiya kundi
man magpapadulas ng buhay. Maraming mga salita at phrase ang gamit
na pantukoy sa pera:
Pantukoy
ng pera: asul, arrovo, dead, G-100, G-300, Ninoy, jojivo, presidente,
tatlong abogado, “Three Little Pigs,” kyaw, Tito Vic
and Joey, pula, Quezon, Roxas, dead, arrovo, lila, zero-zero, S300,
yellow 1, yellow 3, blue, violet
Maging
ang prepaid load sa cell (G-100, G-300 at S300) ay na-convert na
rin sa sakop ng perang kalakalan ng komersyo sa kultura ng korapsyon.
Integral ang pera sa sirkulasyon ng makabuluhang karanasan sa korapsyon.
Mula maliliit na salapi hanggang prepaid load, ang korapsyon ay
sinusustina ng pera. Kung susuriin rin naman, ang bawat entri sa
diksyonaryo, tulad ng nakalista sa itaas, ay nagsasaad ng preclusion
ng pera.
Ang
pinakamaraming pang-estadong aparatong pinagdadanasan ng karanasan
sa kultura ng korapsyon ay ang pulisya. Sa partikular, ito ay saklaw
sa karanasan sa pagmamaneho at iba pang kahalintulad na spero ng
pribatisadong buhay na may kontrol pa rin ang pulis.
Pantukoy
sa pulis: kotong cop, chocolate boys, flying squad, hulidap, highwayman,
kay Hepe, pulis patola
Kung
isasaaalang-alang muli ang mga entri, ang estado ang puno’t
dulo ng karanasan sa korapsyon. Mula karanasan sa eleksyon hanggang
edukasyon, serbisyong publiko hanggang pagtukoy sa presidente (lutong
Macoy), ang estado ang giyang gabay sa pagmapa ng karanasan sa korapsyon.
Walang korapsyon kung walang estado. At dahil lumalawak ang papel
ng estado sa pagdanas ng panlipunan at pang-araw-araw na buhay,
nagiging politikal ang anumang relasyon sa estado. Kung ang pangunahing
katangian ng pambansang estado ay pangungurakot, hindi maihihiwalay
ang panlipunan at pang-araw-araw na negosasyon ng politikal na buhay
na hindi isinasaalang-alang ang korapsyon ng estado.
Kung
gayon, ang rekursong hinihimok na rin ng estado ay ang pribatisasyon
ng mobilidad. Kung ayaw ng korapsyon, isinasaad ang tila pagputol
sa relasyon ng indibidual sa estado. Ang pagkakaroon ng relatibong
otonomiya ng indibidual ay nakasalalay ng hindi niya pagsandal sa
estado, o ang kapasidad niyang makapagbayad para sa serbisyo publiko,
hindi sa subsidyong rate kundi sa komersyal na halaga nito. Ang
diin ng estado ay isapribado ang condition of the possible ng mobilidad,
gawing kaasa-asa lamang sa gitnang uring indibidual, na wala sa
proximidad ng kusina ng kapangyarihan, ang sarili nitong redempsyon
hindi lamang sa kultura ng korapsyon kundi ng politikal na akses
na rin sa pagkamamamayan. Ito ang neoliberalismong aspekto ng kultura
ng korapsyon na may diin sa pribatisasyon ng serbisyong pampubliko,
at nagsasaad din ng komersyalisasyon at deregulasyon ng mga serbisyo.
Ikalawang
Kaso: Kulturang biswal ng korapsyon
Ang
ikalawang tatalakayin ang taktika ng kulturang biswal sa politika.
Ang mga halimbawa nito ay mga imahen ng politiko sa proyektong pamamamayan,
paggamit ng inisyals ng politiko bilang biswal na alaala, at iba
pa. Sa Quezon City, ang SB (serbisyong bayan) ay halaw sa inisyal
ng meyor nito. Sa Pasig City, ang E (mula sa apelyido ng meyor nito)
ay kabahagi ng maraming artifact ng serbisyo publiko, tulad ng poste
ng ilaw, at iba pang bagay. Paano ginagawang normal ang korapsyon?
Ano-ano ang pag-aaksesorya ng politikal na interes sa korapsyon?
Kung ganito ang kalakaran sa politika—ang pamumudmod ng imahen
ng politika at politiko sa mamamayan—ano ang sinasambit na
kasalukuyang politikang kultural (cultural politics)? Paano rin
ito binabalikwas ng kontraryong kulturang biswal ng kilusang mamamayan,
tulad ng graffiti at paper mache na imahen ng politiko, at mismong
substansya ng biswalidad ng nagkakaisang mamamayan?
Ang
isinasaad ng pangalan, inisyal at imahen ng politiko—mula
pambansa hanggang sa baranggay na antas—ay ang awtoridad na
pumirma sa serbisyo publiko. Siya ang awtor na nag-aakda ng tempo,
kalidad, kantidad, saklaw at lawak ng proyekto. Siya ang may kapangyarihang
mag-ari sa proyekto, at i-publicize ang proyekto bilang manifestasyon
ng kanyang politikal na kapangyarihang makapag-akda. Ang isinasaad
ng proliferasyon ng mga aksesorya (pangalan, inisyal at imahen)
ng politikal na kapangyarihan ay ang kapangyarihang magpadami at
mag-reproduce sa aktwal na kapangyarihan. Dagdag pa rito, ang pagsasa-estetika
ng kapangyarihan: blue at pink ni Bayani Fernando, blue at dilaw
ni Robert Eusebio ng Pasig City, dilaw ni Sonny Belmonte, at iba
pa. Ang kapangyarihan, para maisiwalat, ay pinararami ang aksesorya
karugtong ng aktwal na politikal na kapangyarihan. At ang pagsisiwalat
ay nangangahulugan ng paggamit ng estetika sa mga artifak ng aksesorya,
o ang pag-aksesyorya sa aksesorya.
Ang
ginagawa nito ay ang estetika ng kapangyarihan, at ang kapangyarihang
makapag-estetika. Sa una, ang estetika ay inilalangkap bilang mismong
aksesorya, tulad ng pangalan, inisyal at imahen ng politiko. Kabahagi
ang estetika ng kapangyarihang makapag-awtor ng proyekto. Sa ikalawa,
ang estetika, kahit taliwas sa panlasa ng mga intelektwal at artist,
ay masasang-ayunan na rin ng maraming mamamayan dahil, at least,
may makulay na pinta naman ang pedestrian walk, poste ng ilaw, at
iba pang bagay ng kapangyarihan. At walang magagawa ang mga tumataliwas
sa estetika ng kapangyarihan dahil isinasaad ng mismong estetika
ang kapangyarihang makapag-estetika—kung sino may hawak, kontrol
at nagpapadaloy ng mismong estetika.
Ang
biswal na kultura ng korapsyon ay imeldific ang nature. Ipinapalaganap
ang politiko, at ang kanyang kapangyarihang makapaglunsad at mintina
ng proyekto nang lampas-lampasan sa aktwal nitong halaga. Megalomaniac
talaga, at ang pagkilala na ang proyektong pampubliko ay inaakda
ng politiko. Ang biswal na kultura ang nagpapahiwatig di lamang
ng authorship sa proyekto kundi ng kapangyarihang maging mnemonic
device o memory-installing mechanism para sa longevity ng retensyon
ng politiko sa utak ng mamamayan, lampas sa aktwal na buhay ng proyekto.
Kung
ang sining biswal ang nagpapahiwatig ng awtorship at retensyon sa
alaala ng aktwal na kapangyarihan, ang isinasaad ng paglahok ng
aksesorya ng politiko ay ang dalawang bagay. Una ang kalakarang
pagreregalo ng politiko ng serbisyo publiko sa mamamayan, na ang
karanasang integral sa pagiging publikong ofisyal ng politiko ay
nangangahulugan ng peryo-peryodiko at pang-araw-araw na pagpapahayag
sa publiko ng proyektong sa una naman talaga ay kabahagi ng inakong
posisyon. Ang pagreregalo o “gifting” ay ang hayagang
manifestasyon ng tasitong korapsyon: nandiyan pero naka-disguise
bilang proyekto ng serbisyo publiko. At ang nawawala ay umuukol
sa mas malaking kaganapan ng korapsyon.
Ang
kalikasan ng korapsyon ay gawin itong nakatago, sa paraang sikretong
publiko na alam ng lahat kahit hindi dapat ito ginagawa (tulad ng
taboo), o bagay na ipinagbabawal pero ginagawa sa patagong paraan
(tulad ng incest). Sa pamamagitan ng skandalo, ang erupsyon ng kaso
o ang pagiging vulgar nito na ibinubuyanyang ang kalakhan ng mga
detalye sa unang usapin ay dapat nakatago o pabulong na pinag-uusapan,
ang dumidiskaril ng equilibrium ng pagiging publikong sikreto at
patagong gawain ng skandalo. Pero sa saklaw ng pambansa at indibidual
na pagdanas ng skandalo, parating nandoon at nandito ang skandalo,
hindi man ito nahahayag nang matwid at madalasan.
Ang
kailangan din kasing gawin ng korapsyon sa pamamagitan ng skandalo
ay gawing natatangi o exceptional ang karanasan sa korapsyon. Na
tila bagang hindi naman ito nangyayari sa pang-araw-araw, at lalong
hindi sa masibong antas. Kahit pa nga sa nauna nang diskusyon, malawakan
at malaliman ang katangian ng korapsyon. Ang skandalo ay peryo-peryodikong
pag-uumapaw para maitago ang mas malawakang nagaganap nang patago.
At kung magpakaganito, ang skandalo ay hindi pa nagaganap sa kapasidad
nitong mag-umapaw pero kalkulado rin namang pag-uumapaw. Walang
skandalo na hindi tumukoy sa politiko, at dahil walang malalaking
politiko na ipinabagsak ng skandalo, walang skandalo ng korapsyon
ang nakakapagpabagsak sa politiko. Hindi korapsyon ang nakakapagpabagsak
ng politiko dahil integral nga ang korapsyon sa pagmimintina ng
kapangyarihan ng politiko. Ang “mismanagement” o ang
di pagtiyak sa pwersang muling makakapagpahupa ng skandalo sa korapsyon
ang nakakapagpabagsak sa politiko.
Ang
ipinagkaiba ni Joseph Estrada kay Gloria Arroyo ay tinanggap na
lamang ng una na normal ang korapsyon, na pwede itong pumirma ng
ibang pangalan kahit pa may saksi sa perang bahagi sa jueteng. Si
Arroyo naman ay nananahimik lang tuwing may pagputok ng skandalo
ng korapsyon, bigla itong dumidistansya hanggang humupa ang skandalo
dahil alam niyang siya ang puno’t dulo ng malakihang skandalo.
Dumidistansya siya sa imahen ng normalidad ng korapsyon. Pero sa
pamamamagitan ng normalidad ng politiko at aksesorya ng kapangyarihan,
naihahayag ang litaw na aspekto ng skandalo. Wala namang proyektong
nasimulan, ginawa at natapos nang hindi nga nababahiran ng korapsyon.
Ang bagay na di isinasaad ng pag-aksesorya ng kapangyarihan ng politiko
ay pagdugtong sa proyekto sa parametro ng korapsyon. Dahil nga ang
korapsyon ay hindi naman dapat inihahayag, ang isinasakatuparan
ng politiko ay ang rebersong diskurso ng pagdudugtong sa inbisibilidad
ng korapsyon sa bisibilidad ng serbisyong publiko.
Ang
ikalawang isinasaad ng paglahok ng politiko sa aksesorya ay ang
kaantasan at kaayusan ng korapsyon. Na siyang nag-aakda ng proyekto
ay kabahagi ng kaayusang nagpapadaloy ng kahalintulad na pag-aakda
sa iba’t ibang antas ng pamahalaan. Na ang baranggay captain
ay nasa ilalim ng mayor na nasa ilalim ng gobernador na nasa ilalim
ng pangulo. At kung gayon, ang paggamit ng aksesorya ay pagsisiwalat
din ng kung sino at ano ang ranggo ng akses sa kapangyarihan. Ito
ang nagre-reproduce sa sistema ng korapsyon bilang sistemiko sa
lokal at pambansang pamahalaan.
Ang
nangyayari sa proliferasyon ng sining biswal ng kapangyarihan ay
gawing personalisado ang negosasyon sa kapangyarihan ng politiko.
Branding kumbaga sa produkto na nagpapaiba sa politiko sa kanyang
mga kahanay. At kung matagumpay ang branding—na nangangahulugan
din naman ng mas epektibong paged-deliver ng serbisyo publiko—ang
politiko ay nagiging katanggap-tanggap sa maraming mamamayan. Ang
hindi rin naman isinasaad ng branding ng politiko ay ang nagiging
katanggap-tanggap ang kalakaran ng pagreregalo sa serbisyo publiko,
at ang kaantasang pampolitika na nagiging kaantasang pang-ekonomiyang
ganansya. Sa paglalagay ng mga tarpaulin na nagtataglay ng imahen,
pirma, pangalan ng politiko sa mga proyekto, nagiging katanggap-tanggap
ang kaibahang ayos ng korapsyon, ang paglalantad ng publikong aspekto
nito, at kung gayon ang politikal na legitimacy ng korapsyon ay
isinisiwalat din.
Kung
ang wika ay nagtataglay ng afinidad sa nosyon din ng pagreregalo,
kundi man pag-aareglo, sa mga opisina, personalidad at extensyon
ng politikal na kapangyarihan, ang biswal na sining ng korapsyon
ay nagsasaad ng normalidad ng aspektong hayag ng korapsyon. Nagsisiwalat
ang dalawang kaso ng aktityud ng katanggap-tanggap (tolerance) ng
korapsyon na nagpapaiba sa iba pang karanasang pang-estado. Tunay
na fasismo at korapsyon ang lehitimong marka ng estado ng bansa,
at kung magpakaganito, ang korapsyon ay mas epektibong nagiging
normal sa pambansang kalakaran dahil ito ay mas may kalidad ng hayag
na katanggap-tanggap at nagpapaiba kaysa sa fasismo—patago,
paghugas-kamay, mas mahirap i-window dress kumbaga.
Sa
teknolohiya at ekonomiya ng tarpaulin, colored pa ang aksesorya
ng kapangyarihan. At ang teknolohiyang gamit ng politiko ay hindi
naman nahuhuli sa kahlintulad na billboards na gamit ng negosyo.
Nakalugar sa publikong daanan, ang billboards ay nakikipagkumpetisyon
para sa ating atensyon. Kaya ang ngalan ng laro sa komersyo ay palakihan,
pabigatan ng endorser, paliwanagan sa gabi, pasentrohan, at iba
pa. At sa ganitong kumpetisyon sa negosyo naisasantabi ang politiko,
na kung hindi pa gagamit ng celebrity endorser (kung iniisip pa
na ang pangulo ay hindi politikal na liability), walang puwang ang
tarpaulin ng politiko sa pangunahing kalsada. Kaya nagsisiksikan
ang kanyang mas maliliit na signage at billboards sa mas nominal
na kalsada at mga proyektong nakatago sa liblib na baranggay. Kinukuha
na lang sa dami nito.
Ang
biswal na kultura, tulad ng wika, ay negosasyon ng dalawang pwersa:
ang mamamayang may pangangailangang umagapay sa politikal na kapangyarihan,
at ang representatibo ng kapangyarihang may pangangailangan sa sa
pagpolitisa sa mamamayan. Kaya rin mayroong potensyal sa pagbabalikwas
sa wika at sining biswal. Halimbawa nito ay ang paggamit sa imahen
ng politiko sa alternatibong proyektong politikal: ang pagrereferensiya
ng korapsyon. Tampok rito ang paggamit sa imahen ni Arroyo para
balikwasin ang kalidad ng pambansang politikal na pamahalaan. Ginagawang
ibang hayop at nilalang si Arroyo: bampira at octopus, halimbawa.
At sa pagganito, ang iniistorbo ang normalisasyon ng aksesorya ng
kapangyarihan—na mayroong accountability na kaakibat sa paghawak
ng publikong opisina.
Konklusyon
Ang
wika at sining biswal sa korapsyon ay likha sa pangunahin ng kulturang
nagpapalaganap nito. May vested interes kung bakit ganito ang katawagan
sa kalakaran sa korapsyon, ang mga kulay at imahen nito sa mga tarpaulin
na nagpapahayag ng aspekto ng publikong antas ng korapsyon, na ang
publisidad para sa publikong serbisyo ay indikasyon rin ng mas nakatagong
korapsyong pampubliko. Integral sa pagbabalikwas sa kultura ng korapsyon
ang mapanuring lente ng pagbabalangkas nito. At mula sa pagbabalikwas
ng kondisyon ng posibilidad ng may kapangyarihang magpalaganap ng
korapsyon, mailalatag ng mamamayan ang kondisyon ng imposibilidad
para hindi na ito makapaghari.
_________________________________
End notes
-
Ibon Media, “Major Corruption Scandals Under Arroyo Cost
Filipinos Over P7 Billion,” http://info.ibon.org/index.php?option=com_content&task=view&id=253&Itemid=1,
inakses ng 8 Disyembre 2008.
- Ibid.
-
Philippine Development Forum, cited in Darwin Amojelar, “Corruption,
inefficiency cost govt P30B yearly,” Manila Times (4 Apr
08), http://www.manilatimes.net/national/2008/apr/04/yehey/top_stories/20080404top4.html,
inakeses ng 8 Dis 2008.
-
Nicolas Nugent, “High cost of corruption in the Philippines,”
BBC News (6 Dec 2000), http://news.bbc.co.uk/1/hi/world/asia-pacific/1057716.stm,
inaskes ng 8 Dis 2008.
-
Molly O Sheehan, “Corruption thwarts development,”
Vital Signs (Worldwatch Institute, 2003), http://www.mindfully.org/Reform/2003/Corruption-Development-May03.htm,
inakses ng 8 Dis 2008.
-
Ibon Media, ibid.
-
Cited kay Jose Ma. Montelibano, “Most corrupt,” Inquirer.net
(16 Mar 2007), http://opinion.inquirer.net/viewpoints/columns/view_article.php?article_id=55114,
inakses ng 8 Dis 2008.
-
Cited in Raju Gopalakrishnan, “Arrroyo ‘most corrupt’
Philippine leader: poll,” Reuter (11 Dec 2007), http://www.reuters.com/article/worldNews/idUSSP30281220071212,
inakses ng 8 Dis 2008.
-
Cited in Lito Katigbak, “U.S. approves $21 million anti-corruption
grant to RP,” Philippine Star (18 June 2006), http://www.newsflash.org/2004/02/hl/hl104277.htm,
inakses ng 8 Dis 2008.
-
Inedit ito ni Bonifacio Ilagan, Center for People Empowerment
in Governance, 2008.
|